“Ang tunay na pag-ibig parang tsinelas.. kahit anong dami ng sapatos mo, pag-uwi mo tsinelas pa rin ang hahanapin mo..”
Natanggap ko ang forwarded text message na yan galing sa isang kaibigan. Cheesy no? Corny. Pero napaisip kami dahil dyan sa text message na yan.
Sabi ng kaibigan ko, nahanap nya na daw ang tsinelas nya. Kaya lang iba ang may suot. Ang sabi ko, at least nahanap nya na ang tsinelas nya. Ako hindi ko alam kung nahanap ko na ang tsinelas ko. Maaaring may tsinelas ako pero hindi ko masuot.
Ano nga ba ang mas masaklap - ang may tsinelas ka pero iba ang may suot, o may tsinelas ka pero di mo masuot dahil hindi kasya, o wala kang tsinelas?
Sabi ng kaibigan ko, pwede naman daw mang-agaw ng tsinelas. Pero diba mahirap yun? Hindi mo alam kung kasya sa’yo o hindi. Pag malaki baka mahubad tapos gagamitin lang ng iba. Pag maliit naman, hindi din pwede ipilit suotin kaya iba pa rin ang gagamit. O baka hindi masarap isuot. Hindi komportable. Pag ganun, hindi ka din masisiyahan na gamitin ang tsinelas mo.
Tinanong ko yung kaibigan ko. Sabi kasi nya nahanap nya na yung tsinelas nya pero iba ang may suot. Tinanong ko kung pano nangyari yun? Hindi ba kasya yung tsinelas sa kanya? Sabi nya hindi nya alam kasi hindi nya pa nasusukat. Ang labo. Hindi ko tuloy alam kung ano ang isasagot ko.
E ako daw, may tsinelas ba? Sabi ko nga hindi ko alam. Mahirap isuot ang tsinelas ko. Ang sabi nya baka naman daw madulas yung tsinelas na gusto ko kaya mahirap suotin. Delikado. O malamang daw, hindi tsinelas yun – sapatos.
Ah. Sapatos. Sapatos daw yun. Sapatos na kailangan i-repair. Tinanong ko sya. I-repair? E di ibig sabihin itatago at gagamitin ko pa rin pagkatapos i-repair. Pero malaki ang pagtutol nya. Hindi daw. Kailangan daw i-repair yung sapatos ko para magamit ng iba. Tapos ako, hanap ng tsinelas na kasya sa’kin.
E san naman kaya ako hahanap ng tsinelas na kasya sa’kin?! Ang hirap kasi pumili ng tsinelas. Dapat sobrang komportable ka. Dapat masarap suotin kahit saan para pwede mo gamitin kahit kailan mo gusto. Dati akala ko maganda ang tsinelas ko. Pero hindi pala tsinelas yung nakuha ko. Sapatos pa rin.
Pero kung tutuusin, hindi naman mahirap humanap ng tsinelas. Kaya lang, minsan kasi hindi napapansin yung tsinelas kasi masyadong nagagandahan sa mga sapatos. Hindi ko tuloy alam kung yung isa na nakita ko dati na akala ko sapatos ay tsinelas na. Ang ganda kasi ng mga sapatos ko dati.
Tinanong ko ulit yung kaibigan ko. Hanggang magkano ang kaya nyang ibigay para makuha ang tsinelas nya na iba ang may suot. Ang sabi nya hindi nya alam, kuripot daw kasi sya. Takot sya mag-invest. Tinanong ko ulit sya kung mas gugustuhin nya na wala syang tsinelas kesa sa mag-invest sya. Ang sabi nya sa’kin mas maganda daw na mag-invest ka, at least may chance na magkaron ka ng tsinelas. Basta lang kaya mo i-handle kung sakaling hindi kasya sa’yo yung tsinelas na gusto mo. Pero kuripot daw sya talaga e.
“Mang Kulas, pabili nga ng tsinelas.. pudpod na at gasgas.. baka mapigtas.. ‘tong luma kong tsinelas..” – Yano
Ikaw, may tsinelas ka na ba?
-------------------------------------------------
(originally posted on Friday, 10 December 2004)
No comments:
Post a Comment