“E si ano, nagte-text pa rin?”
“Sinong ano?”
“Siya!”
“Sino ngang siya?!”
“Diba?? Siya!”
“Ang gulo mo naman kausap! Sino ngang siya?!”
“Si Alex.. diba??”
“Ahh.. siya ba? Oo naman…. E bakit nakangiti ka ng ganya??”
“Wala lang! So ano, wala na ba talaga?”
“Wala ng ano?”
“’lam mo na.. hindi ka ba nanghihinayang?”
Bigla akong natahimik. Wala akong naisagot kung hindi ngiti. Ano nga ba ang dapat kong isagot? Hindi ba ako nanghihinayang? Nag-isip ako hanggang makarating sa bahay.
Mag-iisang taon na rin pala. Naaalala ko pa nung umuwi ka sa inyo para magbakasyon nung huling pasko natin. Sweet pa ng mga text messages na pinapadala mo. Alam mo pa nga ang salitang forever. Pagbalik mo nung January, ang saya-saya ko. Sa wakas, pagkatapos ng dalawang lingo na hindi kita nakasama, makikita na ulit kita. Pero ilang araw pa lang ang lumilipas mula ng bumalik ka, ramdam ko na ang kaibahan. Hindi ko man lang naramdaman ang saya mula sa’yo na gaya ng saya na naramdaman ko ng muli kitang makasama. Hanggang sa nagdaan ang marami pang mga araw. Nag-iba ka na talaga. Ang bilis uminit ng ulo mo. Pero sige, naiintindihan ko. May problema ka nun.
Hanggang sa dumating ang mga araw na hindi na kita nakakausap ng gaya ng dati. Hindi na kita malambing. Umiinit agad ang ulo mo. Pero sige, naiintindihan ko. May problema ka nun.
Hanggang sa isang araw, naisipan kong maglambing sa’yo. Nasa bahay ka, nasa office ako. Nag-text ako sa’yo pagdating ko sa office. Palagi naman ganun, diba? Nilambing kita, kinulit-kulit. Natatandaan ko pa ang sabi mo maliligo ka na. Nag-reply ako ng bakit. At sa bawat reply mo, sumasagot ako ng bakit na parang isang batang nagpapa-cute. At bigla na lang akong nagulat ng bigla kang magdesisyon na tigilan na natin ito, na ayaw mo na, na mas mabuti pang ‘wag na natin ituloy. Gulong-gulo ako nun. Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang desisyon mo na yun. Biglang gumuho ang mundo ko.
Nag-usap tayo. Tinanong ko kung anong nangyari, kung anong dahilan mo. Ang sabi mo dahil sa problema mo. Pero hindi ko matatanggap ang ganung rason. Dahil alam kong hindi kita pinabayaan mag-isa sa problema mo. Hanggang sa sinabi mo na Bakit hindi natin subukan sa iba? Baka pareho tayo maging mas masaya. Hindi ko na alam kung anong klase ng pagguho ang nangyari sa mundo ko pagkatapos ko marinig yun. Mahigit sa tatlong taon ng pagsasama… biglang hindi ko alam kung ano ang nangyari.
Nag-isip ako. Sinubukan kong balikan ang mga nagdaang araw.. linggo.. buwan. Naalala ko nung umuwi ka sa inyo ilang buwan bago mag-pasko… ang huli nating pasko.
Nag-iba ka nung pagbalik mo. Kung dati-rati ay nalalaro ko ang cellphone mo basta-basta, ngayon ay dinadala mo na hanggang pagpasok mo sa banyo. Pero okay lang, hindi ko pinansin. Pati ang pagbubukas ko ng email mo na dati-rati ay pinapagawa mo sa’kin ng regular ay ikinabahala mo. Pero okay lang, hindi ko pinansin. Hanggang sa nalaman ko na sa pag-uwi mo pala na yun ay nagkita kayo (ulit).
Ahh.. siguro yun ang ibig mong ipahiwatig ng sabihin mong bakit hindi natin subukan sa iba.. Siguro nga. Hindi ko nakumpirma. At hindi ko na binalak pa na kumpirmahin. Kung yun ang gusto mo, ibibigay ko.
Maraming nagbago sa buhay ko mula ng araw na yun. Ang dami kong nalaman. Ang dami kong natutunan. Nalaman ko na hinding-hindi pala ako pababayaan ng mga officemates ko. Umaga, tanghali, hapon, umiiyak ako. Pero kahit na sobrang dami ng problema sa opisina nung mga panahon na yun, hindi sila tumigil sa pag-aliw sa’kin.
Natutunan ko na hindi ko pala dapat ibigay sa isang tao ang buong mundo ko. Natutunan kong mas bigyan-halaga ang sarili ko. Natutunan kong makipag-kaibigan. Ang dami kong naging kaibigan. Naging sandalan. Naging matatag ako. Natutunan ko na hindi lang pala sa’yo umiikot ang mundo ko.
Lumipas ang mahabang panahon. Magkaibigan pa rin tayo. Nag-uusap. Lumalabas. Nagte-text. Nagulat ako sa isang text mo.. sorry sa lahat ng nangyari.. Napaisip ako. Hindi mo kailangan mag-sorry. Kung hindi dahil sa’yo, hindi ko malalaman at matututunan ang mga bagay na nalaman at natutunan ko.
Mahigit sa tatlong taon.. ako ba dapat ang tinatanong ng hindi ka ba nanghihinayang?
Kung ako.. ang sagot ko hindi.
-------------------------------------------
(originally posted on Wednesday, 28 January 2004)
No comments:
Post a Comment